Saturday, September 22, 2012

NAGKATAON LANG 'YON NA NAMAN ULIT


NAGKATAON LANG ‘YON NA NAMAN ULIT!

Bakit nga ba tuwing may sumasakabilang buhay tayong mahal sa buhay, kaibigan, kapitbahay, kabarangay,kababayan,  kakilala, o kaya taong popular, marami tayong sinasabi at naririnig na kung anu-anong hindi kapani-paniwala?

Produkto lamang ba ng malilikot nating imahinasyon ang iba’t-ibang istorya tungkol sa pagpaparamdam o pagpapakita sa panaginip ng mga namayapa  na? Ang mga pangitain o premonisyon ng isang malapit ng  bawian ng buhay, tutoo nga kaya? O, talagang nangyayaring nagkakataon lamang? ( Random chance?)

Kung mahilig ka sa ganyang mga kwentong paniwalaan-dili, idagdag mo ito sa iyong listahan:  

 EKSENA 1:

Miyerkules ng hapon,September 19. Pagitan ng alas kwatro at alas otso. Sa loob ng isang DLTB bus biyaheng LRT-Taft (Manila). Sakay ang isang pamilya papunta sa kapilyang kinahihimlayan pansamantala ng isang mahal sa buhay na hindi pinalad makaligtas sa isang grabeng atake sa puso. Magkatabi sa unang hanay ng upuan ang isang mag-asawa. Sa kanilang likuran, pangalawang hanay ay ang anak nilang lalaki at isang apo sa pamangkin. Sa katapat na upuan naman nakaupo ang panganay nilang anak na babae. Kasama rin nila ang isang pamangking lalaki at isa pa nitong  anak.

EKSENA 2:

Walang tigil sa pagdadasal ng rosaryo ang babaeng katabi sa upuan ng panganay na anak ng mag-asawa. Sisingkwentahin ang idad ng nasabing babae. Ninenerbiyos marahil sa lakas ng buhos ng ulan. Walang imikan ang mag-asawa at dalawa nilang anak maliban sa paminsan-minsang pag-aalok at paghingi ng kendi.

EKSENA 3:

Bago pa man dumating sa dakong Makati, bumaba ang katabing babae ng panganay na anak ng mag-asawa. Tumatakbo na ulit ang bus ng mapansin ng anak na panganay ng mag-asawa ang rosaryo na ginagamit ng katabi niyang babae. Naiwan ito sa upuan. Itinabi niya ang rosaryo na hindi binabanggit kahit kanino. Kulay brown ang nasabing rosaryo, at hindi ordinaryo o mumurahin.

Masikip ang daloy ng trapik nuon dahil sa pabugso-bugsong malakas na ulan kaya inabot ng kulang sa apat na oras ang kanilang biyahe.
  
Pagdating sa kapilya (St. Alphonsous Chapel, Magallanes), at matapos ang walang katapusang beso-beso at malulungkot na kumustahan ay:

EKSENA 4:

BABAE 1: TARS, WALA KA BA D’YANG ROSARY NA P’WEDENG IPABAON KAY MOMMY?

(“Tars” ang palayaw ng panganay na anak ng mag-asawa. Tiyahin nito ang babaeng nagtatanong, kapatid na mas matanda ng tatay niya. “Mommy” naman ang tawag ng buong pamilya ng mag-asawa sa namayapa.)

TARS:   ALAM MO AUNTY, MAY NAPULOT AKONG ROSARY SA BUS.

Nagulat si Tars at kinilabutan dahil bakit parang alam ng tiyahin niya na may rosaryo siyang napulot. Nangagulat din at kinilabutan ang ibang nakarinig sa kanila. Parang sinadya raw iwan ng babaeng katabi ni Tars na iwan nito ang kanyang rosaryo. May nagsabing binulungan daw ng anghel ang babaeng nakaiwan ng nasabing rosaryo.. Sabi naman ng iba, nagkataon lang daw ‘yon.

Halos maiyak na si Tars nang inilalagay nila ang nasabing rosaryo sa magkasalikop na kamay ng kanilang ‘Mommy’. (Hindi pala siya nalagyan ng rosaryo no'ng inaayos.)

EKSENA 5:

Hapon. September 19. Loyola, Guadalupe parking space. Hinahanap ng Tatay ni Tars ang paborito nitong hikaw na suot niya sa kanang tainga. Aksidente itong nasungkit ng sarili niyang daliri pagbaba ng sasakyan. Trooper ang gamit nila noon, paboritong gamiting sasakyan ng kanilang 'Mommy'. Sa unahang upuan  nakaupo ang tatay ni Tars, p’westo ng namayapang si “Mommy”. (Nasa Loyola sila para i-cremate ito.)

ANAK NA LALAKI NI ‘MOMMY’:  ALAM MO UNCLE, ASAR SI MOMMY SA LALAKING MAY SUOT NA HIKAW. AKO NGA  PINAPATANGGAL ‘PAG MAY SUOT .

TATAY NI TARS: NAWALA KO NA’YAN SA CHINA PERO NAKUHA KO ULIT. BAKA  PINAPATANGGAL  NI MOMMY  NGAYON DAHIL  ASAR  SIYA. HA HA HA!

At tuluyan ng nawala ang paboritong hikaw ng tatay ni Tars.

EKSENA 6:

Madaling-araw. September 23. Nakabukas ang laptop ng tatay ni Tars. May tina-type ito. Nakauwi na sila sa Laguna matapos ihatid sa ‘Heaven’s Gate sa Antipolo, Rizal ang kanilang mahal na si ‘Mommy’.

Maya-maya napatigil ito sa pagta-type. Matagal na napatitig lang ito sa wala. Iniisip niya ang mga pangyayari ng nagdaang ilang araw. Hindi ito makapaniwala. Humigop siya ng kape. Malakas ang tunog.

Biglang tumindig. Pabulong na sinabi sa sarili:

“NAGKATAON LANG ‘YON!”

NA NAMAN?

ULIT?

2 comments:

  1. Ikaw ba ang tatay ni Tars? Hahaha! Alam mo ba, pabalik-balik ako sa pagbasa ng post mo, ang lalim kasi :)

    ReplyDelete
  2. Magulo, siguro ang term na gusto mong sabihin Bech. May hang over pa ako ng tatlong araw na halos walang tulog nu'ng i-type ko 'yan e. Pagkauwi namin galing sa paghahatid sa hipag ko, hindi pa rin ako makatulog kaya nagkwento na lang ako. Hirap ako mag-isip kaya by eksena na lang ginawa ko. hehe. Salamat sa pagbasa...

    ReplyDelete