ALA-TSAMBANG
SULAT KAY P-NOY HINGGIL SA JUETENG
Dear Noynoy,
Dahil palagi
mong sinasabing kaming taumbayan ang ‘boss’ mo, nagkalakas loob akong magbakasali
na makarating sa iyo ang sulat kong ito. Ala-tsamba, ‘ika nga. Bahala na si
Darna.
Tungkol ito
sa plano ng PCSO na ipalit ang “Loterya ng Bayan” sa nabigong STL. Huwag ka sanang maiinis, ha
‘Noy? Pero palagay ko, sinumang magsabi na mapapatay niya ang isang ilegal na
sugal sa pamamagitan ng isang legal na sugal ay isang malaking ipokrito.
Nasubukan na
‘yan e. Wala namang nangyari ‘di ba? Nagkaro’n pa nga ng legal na ‘front’ ang
‘jueteng’. Masasayang lang ang panahon
at pondo na pwedeng sa iba na lamang gamitin.
Tama ka
nu’ng hindi mo isanama sa mga ‘top priority’ mo ang ‘jueteng’. Dahil wala naman
talagang makakapagpatigil dito ng lubusan. Nagpapalamig lang sila ‘pag mainit.
Hindi
na siguro mamamatay ang jueteng ‘Noy.
Alam natin
na milyong piso kada araw ang kinikita ng isang ‘jueteng lord’ ‘di ba? E, paano
mo naman mapapasunod ang isang tao na patayin ang kanyang kambing na umeebak ng
ginto? Hala ka, paano? Iuutos mo sa iba na patayin ang kambing? Sino’ng uutusan
mo? May susunod kaya sa iyo, eh alam naman nating lahat na nakikinabang
din sa ‘kambing’ halos lahat ng pwede mong utusan?
E, ano nga
ba’ng dapat gawin? Subukan mo kayang sabihin sa sambayanang Pilipino na huwag
tumaya sa jueteng? Simple! Kung walang mananaya, walang sugal ‘di ba?
Gamitin
mo ang iyong popularidad, ‘Noy. Ipamulat mo sa taumbayan, sa pamamagitan ng
telebisyon at radyo, kung paanong sa pamamagitan ng pagtaya sa jueteng ay
yumayaman ang iilang tao, ang mga ‘jueteng lord’. Atasan mo ang lahat ng paaralan
sa Pilipinas na ituro sa mga estudyante ang masasamang bagay na ibinubunga ng
pagsusugal. Himukin mo ang simbahan na ipangaral ng dibdiban, na hindi mabuti
sa isang tao ang magsugal.
Siyempre
gugugol ng ilang panahon bago magkaroon ng magandang resulta ‘yan.
Pansamantala, dahil nga lagi mong sinasabing kaming mamamayan ang ‘boss’ mo, at
dahil kilala naman lahat ng mga ‘jueteng lord’, baka pup’wedeng utusan kita, na
kausapin mo ang mga ‘jueteng lord’ na ‘yan, isa-isa kung maari, pakiusapan mo kung
kailangan, na gawing minsan na lamang sa loob ng isang araw ang bola nila.
Kawawa naman kasi kaming mga mahihirap na mamamayan. Ibibili na lamang ng bigas
at ulam ay naipangtataya pa namin sa jueteng na ‘yan. Hindi mo naman kami masisisi
dahil nagbabakasakali nga.
P’wede kaya
‘yun ‘Noy? Palagay mo makikinig ang mga jueteng lord sa iyo ‘pag kinausap mo sila ng seryoso?
Sabihin mo kaya kaming mga tao ang
nakikiusap? Nahihirapan na kami eh.
Tsaka, biruin
mo ‘Noy, may barkada ako dati, naging tauhan ng jueteng lord mula nu’ng maupo
ka, dal’wa na ang bagong kotse ngayun, ganda na ng bahay, 42” flat screen ang
TV, lahat ng anak may laptop, dal’wa ang asawa. Walang binabayarang tax ‘yun.
Hay, nako. Ang yabang pa! ‘Yun ang nakakainis sa lahat.
O, sige
‘Noy. Salamat kung makakarating sa iyo itong sulat ko. Pasensiya ka na sa mga
nasabi ko. Kalimutan mo na lang ha? Lagi kasi kitang pinapanood at
pinakikinggan kaya feel ko ‘close’ tayo.
Good luck sa ‘Loterya’ mo. Hintayin ko na lang kung
mapapahinto n’yan ang ‘jueteng’. Pero palagay ko talaga hindi. Siguro mag-iilegal
na lang din ako, paris nu’ng barkada ko dati. Sarap buhay pa. He he he
Maraming
salamat, ‘Noy.
Tagahanga mo,
Edwin
Nice! Bow talaga ako sayo :)
ReplyDeletekaw talaga, lakas makabola. dadalawa na lang nga tayo dito... he he
Delete