Monday, October 22, 2012

SI RIZAL O SI BONIFACIO? SI NORA O SI VILMA?


Ngayong magbe-bertdey na naman si Andres Bonifacio (November 30, 1863), lumalakas ulit ang hugong ng mga panawagang siya ang kilalanin nating “Pambansang Bayani”. Kabi-kabila na naman ang mga debateng si Bonifacio ang karapat-dapat na tawaging “National Hero”.

Salimbayan ang mga ‘posts’ sa “FB” tungkol sa kabayanihan at kadakilaan ni Ka Andres. May isang bumunghalit na bakit daw dalawa ang ating national hero. Merong nagsisigaw na dito lang daw sa Pilipinas hindi  ‘national hero’ ang nagsimula ng rebolusyon. Etcetera, atbp.

Maliin ninyo ako kung mali ako, pero ang alam ko talaga, wala pang idinedeklarang isang opisyal na “National Hero” ang Pilipinas. Marami tayong “national heroes”, ‘yun ang alam ko, hindi lang dalawa. Kasama na s’yempre si Ka Andres. Nangyari lamang na kumbaga sa artista, maganda ang packaging ni Jose Rizal kaya mas kilala siya. Talagang ibinenta, kung baga, kaya mas sikat siya kaysa sa iba.

(Halos lahat yata ng bansa  sa mundo maraming kinikilalang “national heroes”.)

Palagay ko lang naman, hindi kailangang pagtalunan, lalo’t higit ay pag-awayan kung sino ang pinaka-matapang o pinaka-matalino, kung sino ang pinaka-dakila, o sino pinaka-okey na bayani, sa simpleng kadahilanan na may kanya-kanya tayong pinanggagalingan, may sari-sarili tayong ‘biases’ at maka-sariling motibo. Ang mas mahalaga, sa tingin ko, ay isa-puso at isa-buhay natin ang kadakilaan, ang ginawang sakripisyo at kabayanihan, ng kung sino mang kinikilala nating bayani.

Kung mamimili tayo kung sino dapat ang ating “National Hero”, si Rizal o si Bonifacio, paano naman ‘yung ibang nagpakahirap at nag-alay din ng dugo at buhay para sa atin? Nakakasiguro ba tayo, siyento por siyento, na ang kinikilala nating ‘bayani’ ay hindi likha lamang ng ‘bias’ ng kung sinong ‘historian’? 

Walang makakapagsabi, kahit sino sa ating nabubuhay ngayon,  kung ano ang totoong nangyari noon. Ang lahat ay nakatala lamang. Kasaysayan. Isinulat ng tao. Taong tulad mo at tulad ko ay may ‘bias’.  May kinakampihan.

Sa ating panahon ngayon, maraming away, kaguluhan at maging digmaan, ang nag-uugat sa paniniwalang ipinipilit ipapaniwala sa iba. 

Mabubuhay naman tayo kahit iba-iba tayo ng pinaniniwalaan ‘di ba? Kung ipipilit mo sa akin ang sa’yo, at igigiit ko sa’yo ang sa akin, mag-aaway talaga tayo.

Kaya ako, ‘common sense’ ang 'rule of thumb' ko: If it doesn’t make sense, it’s nonsense! He- he-he.

Ibig kong sabihin, parang nonsense na magbangay tayo tungkol sa kung sino ang mas magaling na bayani. Si Bonifacio gusto mo? Okey! Si Rizal ang akin? Hindi okey?

Sige, pag-debatehan natin. Matapos naman kaya tayo? Hindi kaya magsasayang lang tayo ng panahon? Ng ‘effort’?

Sino nga ba ang mas 'bayani', si Rizal o si Bonifacio? 

Pero teka, kung mag-dedebate tayo, hindi kaya parang nakakatawa, na para tayong mga "fans" na nagtatalo kung sino ang mas magaling, si Nora o si Vilma?

Hindi kaya parang ganu'n 'yon? Palagay mo? 

Ha, 'tol? 






No comments:

Post a Comment