Sunday, August 18, 2013

'Napoles' Tripping



Sabog na ako…

Day One ko pa sinimulang tutukan  ‘tong “Napoles Scam” at talaga namang mas exciting pa kesa sa pinapanood na tele-serye ng asawa ko. Kaabang-abang talaga kung ano ang ‘susunod na kabanata’. 

Pero naiisip ko lang, kung tutoong involved dito ang mga ‘lawmakers’ natin ( kunwari ngayon lang natin nalaman na ‘corrupt’ sila), ano naman kaya ang motivation ng pinsan ni Janet Lim Napoles na si Benhur Luy para pasabugin ang ganito kalaking eskandalo na pwedeng magpabagsak sa senado at kongreso, pwedeng maging mitsa ng  isa na namang Edsa, o magpasiklab ng isang madugong rebolusyon? (Na matagal ng hinihintay ng marami kong kaibigan.) Isa ba siyang mabuting Pilipino? Isang makabayan? Marxista? Komunista? O, pakawala ng isang kung sino? 

Alak pa! Este, isip pa.

Ano nga ba ang nagtulak sa kanya para isambulat ang mga nalalaman niya? Dinaya ba siya sa hatian? Gustong mag-sarile ng raket ? Pero bakit kailangan pang pasabugin ang ‘scam’ e pare-pareho sila ngayong mawawalan?

Baka naman kaya tutoo ‘yung sinabi ni Janet Napoles na hinihingan siya ng NBI ng suhol? P300M ba? ‘Di ba may sulat daw si Napoles kay Pnoy na hina-harass  siya ng NBI nga?  At nawawala raw ‘yung sulat na ‘yon? (Kilala rin daw ni Pnoy si Janet Napoles? Kung kilala, bakit sinulatan? Walang cell number ni Pnoy si Napoles? Email address kaya?)

What if, eto na ang trip, may sulat nga si Napoles kay Pnoy? At hinayaan lang ni Pnoy mangyari ang mga  nangyayari ngayon para kusa ng ma-abolish ang ‘pork barrel’ through public clamor at hindi na kailangang magalit sa kanya ang mga kaibigan niyang mga senador at kongresman? Tao lang si Noynoy at s’yempre ayaw niyang magalit sa kanya ang mga kaibigan niya ‘di ba? That explains siguro kung bakit siya tahimik. (Matutuwa sa wishful-thinking-senaryong ‘to ang mga die-hard Pnoy. Posibilidad lang po ito.)

What if, ganito naman - Inoperate talaga ng ilang taga-NBI si Napoles… Humanap sila ng mahahawakang tao na nasa ‘inner circle’ ni Janet Napoles, kinaibigan, kinumbinsi, nilason ang isip, tinukso sa milyones, tinakot… para maipang-blackmail kay Napoles?  Tumanggi si Napoles, at eto na, hindi na makontrol ng NBI ang mga pangyayari dahil na-involve na ang media at ang publiko?

Remember, matagal ng ginagawa ni Napoles ang mga deals niya with our lawmakers? Malaki ang posibilidad na may gustong makihati sa raket niya.

Posible, pero sabi ko nga, trip ko lang ‘to. Hindi pa totoo. Ine-exercise ko lang ang imagination ko.

Try n’yo rin.... ('Pag may time.) Ano sa palagay n’yo ang nangyari at mangyayari sa namputris na “Napoles Scam” na ‘to?

Basta, sana maniwala tayo na  ‘catalyst’  ang pangyayaring ito. Na hindi na ito mapipigilan ng kahit sino o ng kahit na ano.

Itong “Napoles Scam” ay parang batong inihagis sa kalmadong dagat. Lumikha na ito ng maliliit na mga alon. Ipagdasal natin, na ang maliliit na mga along ito ay lumaki ng lumaki, maging dambuhalang  ‘tsunami’ na raragasa sa sangkalupaan ng Pilipinas upang linisin ang nakapandidiring dumi na nakalambong sa ating bayan. 

Samantala, abang tayo sa susunod na kabanata.

Trip-trip laang muna ....

*****
Edwin M. Quismundo
August 19, 2013
1:44 AM


Wednesday, August 14, 2013

Bukas Na Liham Ng Isang Tambay Kay Archbishop Tagle



Mahal na Arsobispo Luis Antonio Cardinal Tagle,

Kapuri-puri po ang ginawa ninyong mistulang pagkastigo sa ating mga mambabatas. Nakakatuwa din po na sumali na kayo sa panawagang imbestigahan ang “Pork Barrel Scam”.

Ilang punto lamang po: Hindi na po marahil kailangang himukin ang ating mga mambabatas na tignan at alamin ang kalagayan ng ating mga mamamayang mahihirap. Alam na alam po ng lahat ng ating mga pulitiko kung paano nabubuhay ang ating mga kababayang ‘informal settlers’, mga pamilyang sa kariton at sa bangketa nakatira, mga nasa ilalim ng tulay, at kung saan-saan pong lungga na para-parang mga ipis at daga.  

 Tuwing panahon po ng halalan, ginagalugad ng ating mga pulitiko ang mga pook na ito upang makamayan o makawayan at bigyan ng kung anu-anong  mga panlaman sa tiyan ang ating mga ‘mahihirap’. Kaya alam po nila ang ‘sub-human  living condition’ ng ating mga ‘mahihirap’ at ito ang kanilang ine-exploit tuwing panahon ng eleksiyon.

“The poor are absent in their minds and in their hearts.” , sabi  po ninyo. Palagay ko lang po, hindi nawawala sa isip at sa puso ng mga pulitiko ang mahihirap nating kababayan dahil ang pokus po nila ay nakatuon lamang lagi sa susunod na eleksiyon. At alam po nating lahat na ang kadluan ng boto ng ating mga pulitiko ay ang madlang mahihirap na dahil sa kanilang ‘kawalan’, ayaw ko man pong sabihin, ay napakadaling linlangin at manipulahin . Alaga pong limusan ng malalaking pulitiko ang mga mahihirap ng ilang kilong bigas na halos hindi makain, sardinas at instant noodles na kung hindi ‘expired’ ay halos expired na, upang sa susunod na halalan ay hindi makalimutan ang kanilang mga pangalan.

Bukambibig din po ng lahat ng ating mga pulitiko ang kapakanan ng ‘masa’, ng mga ‘mahihirap’.  At tuwing eleksiyon po, hindi naman siguro lingid sa inyo,  pinapangakuan ng  lahat ng kumakandidato ang masang mahihirap na sila’y iaangat at hahanguin sa kahirapan. Ang pangako pong iyan ay hindi kailanman tutuparin ng sinumang  pulitiko sa kasalukuyang sistema dahil sila rin ang mawawalan ng balong kadluan ng boto kapag nagsi-unlad ang kanilang mga botante.  

Dito po kayo kailangan, mahal na Arsobispo. Nasa posisyon po kayo para imulat ang ating mamamayang pinaglalalangan ng mga pulitiko. Ipaalam mo po na hindi totoong  nagmamalasakit ang mga pulitiko sa kalagayan ng mga dukha’t mahihirap. Na wala pong hangad ang mga pulitiko kundi ang kanilang boto.

Ipamukha naman po ninyo sa mga pulitiko ang kanilang kasamaan at kasakiman. Kayo at ang simbahan,  higit kaninuman ang may karapatan at tungkuling imulat ang lahat sa mistulang pagtatagumpay  ng  kabaluktutan - ng diyablo,  sa ating bayan.

At bilang pagtatapos po, huwag naman po sanang ikakagalit -  Dahil malaki po ang kinalaman at responsibilidad ng simbahan sa usaping moral at pangkaluluwa,  ang mga sinabi po ninyo sa inyong ‘presscon’ ay nagkulay hugas-kamay sa namamayaning kabulukan sa ating lipunan, lalo’t higit ang kawalan ng konsensiya ng ating mga itinuturing na lider at lingkod-bayan. Tingin ko lang naman po, alam ko pong hindi ito ang inyong intensiyon. 

Gabayan po nawa ninyo ang bayan, mahal na Arsobispo.  

Humahalik ng kamay,
Edwin Quismundo
 ****       


Sunday, June 2, 2013

PINOY GOT TALO SEASON 4

Pakiramdam ko hindi naman talagang talent ng contestant ang criteria nu'ng tatlong judge ng PGT kundi naghahanap lang sila ng ima-manage na 'talent' .

Kumbinsido ka ba sa mga sinasabi nila tungkol sa mga contestant? Ako madalas hinde. 

Kung wala ka ring magawang tulad ko, basahin mo kung bakit hindi ako bilib du'n sa tatlong  kumag na judge.

Napanood ko si Chaeremon Basa nung semi-finals. Siya ‘yung batang nag-flair tending. Sa kabila ng husay niya, ng lupet sa pag-juggle, ng precision ng kanyang movements, ng intensity, ng entertainment value nu’ng performance niya, at sa dami ng bumoto, inilaglag siya nung judges sa hindi ko maintindihang dahilan. Dapat nasa finals siya dahil worth 2M naman ang act niya.

Napanood ko rin si Frankendal, ‘cyr wheel dancer ‘ daw. Ano naman ang kasayaw-sayaw du’n sa paiko-ikot na dambuhalang sinsing? Wala naman akong nakitang kabilib-bilib sa ginawa niya maliban sa hindi siya tinatablan ng hilo. Pero pinuri-puri siya ng judges, halata namang sinulat lang ng kung sinong writer 'yung sinasabi nung isa. At ayun nga, nasa finals siya, muntik pang manalo.

Ang Zilent Overload naman, kung sa araw mo pinanood parang pang-ordinaryong town festival lang. Palakad-lakad, konting talon, wagayway nung malalaking pamaypay, at 'yun, finalist na? Kung may talent man du'n sa ginawa nila, palagay ko eh 'yung mga gumawa ng costumes. Para silang mga gumagalaw na neon lights 'di ba? 

'Yun dalawang driver, wala akong clue kung bakit nasa PGT. Okey, magaling silang mag-drive at mag-park siguro ng kotse, pero nasa'n 'yung entertainment du'n? Mapapaisip ka tuloy na baka may kung sino'ng malaking tao sa ABS-CBN ang syota nu'ng dalawa. Medyo guwapo lang, finalist na?

'Yung MP3 band, well, marunong tumugtog at kumanta pero ordinaryo lang sila sa isang marunong makinig. Sa tutoo lang, hindi ko maintindihan ang sinasabi nung bokalista nila. Sana ibinigay na lang 'yung slot nila sa mas matinding mag-perform tulad nga ni Chaeremon Basa. 

Ang wala akong reklamo kung sila ang nanalo ay ang D'Intensity Breakers. Malupit ang performance nila. Precise din ang movements. Ang taas tumalon. Matindi ang intensity. Fixating panoorin. Malakas ang entertainment value. Pero ayun talo. Anlabo.

And the winner is!  Napanood ko na siya sa youtube kaya natuwa ako nu'ng  makita ko siya sa auditions ng PGT. Okey naman ang pagkanta niya. Pero may nahalata agad ako. Iba ang takbo ng queries nung judges especially Ms Kris.  Parang may binubuong istorya na usually ay para makakuha ng simpatiya ng viewers. May sad story agad-agad. (Na paboritong gamitin ng mga tume-table sa mga beerhouse.)

No doubt, may boses si Noel Manlangit, may lung power. Pero kung ang babasehan ay ‘yung performance niya nung finals night, medyo magkakaro’n ka ng duda kung siya dapat ang nanalo.

Obviously, na-coach siya para sa finals night dahil parang hindi spontaneous ang pagkanta niya.  Bukod do’n ‘yung piyesa niya ay parang isang mahabang intro ng kanta. Parang first movement ng isang sonata. Hihintayin mo ‘yung second movement pagkatapos ng huling mataas na notang ibinunghaliti niya. 

E ‘di hinintay ko nga ang kasunod. Biglang nagpalakpakan, tapos nagsalita na ‘yung dalawang host. Tapos na pala ‘yung kanta! Ang narinig ko lang ay batang tumitili at nagsisigaw ng kung anu-anong hindi ko maintindihan dahil sigaw nga ang ginagawa niya. Walang kilabot, walang tumayong balahibo, walang nasundot na 'feeling'.    

Palagay ko ‘yun ang itinuro ng coach. Ibigay ng husto ang buong lung power para magulat ang audience.  Pero sa isang marunong ngang makinig ng music, that performance was anything but worth the top prize.  Bagsak siya sa clarity, madumi ang delivery ng pyesa, ang dynamics ay nakalimutan. The notes were there but the sweet highs and lows  were terribly missing. Para siyang jet na pa-take off na hindi naman nag-take-off.  Parang motorsiklong  nirebolusyon ng  nirebolusyon tapos ay biglang pinatay. Biten. Nganga.

Pero siya, si Roel Manlangit ang nanalo. Wala na, tapos na. Talo.

Sana lang, kung walang balak palitan ang mga judge, mag-aral naman sila sa marunong mag-judge para hindi naman nakakainsulto ‘yung mga sinasabi nila.

‘Yung lalaki, nagha-hang muna bago mag-salita. Antagal mag-iisip tapos 'pag nagsalita, “amazing” lang pala sasabihin. Hindi man lang magpaliwanag kung ano ‘yung nakita at narinig niya sa performance.

‘Yung isa, pinakamatindi ng linya ‘yung- “Binuhay mo ang katawang lupa ko.” Wala ring masabi kung ano ang meron o wala du’n sa nakita at narinig.

At ‘yung pangatlong judge, halatang wala ring alam sa ginagawa niya kundi hanapin kung ano ang kabenta-benta sa taong nasa harapan niya.

Wala sa kanilang tatlo ang objective na judge. Meaning, kaya sila subjective ay dahil naghahanap lang sila ng ‘talent’ na pwede nilang i-manage.

“Talent” na ipa-package para ibenta. 

Talo...



*****
3:01 AM
April 03, 201
Edwin M. Quismundo  

Wednesday, May 29, 2013

ANG VICE GANDA AT ANG COMEDY BAR HUMOR



Una kong napanood ang Vice Ganda sa programang ‘Singing Bee’ ilang taon na ang nakakaraan. Magaling siya ha? Tanda ko walang makatalo sa kanya kahit sino. Hindi ko alam noon na sikat na siya sa ‘comedy bar circuit’.

Ang una ko namang engkwentro sa ‘comedy bar humor’ ay ‘courtesy’ ng isang ‘lady’ karaoke singer (beki) na naging ka-alternate ko sa isang bar na kinalimutan ko na kung saan.  Nag-iimbita siya ng isang medyo senglot na game na costumer sa stage, pakakantahin niya ng ilang linya, pagkatapos buong kawagasan na niya itong iinsultuhin hanggang hindi na nito makayanan ang sakit at tawanan ng ‘audience’, bababa na siya ng stage na kunwari ay okey lang pero asar na asar sa tutoo lang.

Ganito ang sistema sa mga comedy bar – insultuhan. At ito ang mundong ginalawan at patuloy na ginagalawan ng Vice Ganda.  

Okey, so nag-mutate na ang insulto at naging ‘humor’ na pala. Walang problema dahil may ‘choice’ ka naman . Kung ayaw mo ng nakakatawang insulto, hindi ka pupunta sa comedy bar.

Ang problema, sumikat ang isang Vice Ganda. Dahil bagong mukha, bagong putahe, may ‘catch’ at may ‘recall’ ang pangalan, at may ibubuga naman talaga, kinagat lalo na ng kabataan ang kanyang komedi. Naging household name, naging isang espesyal na putahe sa tanghalian ng milyon-milyong Pilipino si Vice Ganda. At dala-dala niya siyempre ang kanyang pamatay na sandata – ang ‘comedy bar humor’.

Lumiit na ang ‘choice’ ngayon. Bakit? Dahil karamihan sa mga tahanang Pinoy, iisa lang, hindi lima, hindi apat, hindi tatlo, hindi dalawa, ang TV set sa bahay. ‘Pag nagtatawanan na ang karamihan ng kasama mo sa bahay, nakikitawa ka na rin. Sa mga ‘canteen’ naman ng ng opisina, sa mga restaurant, fastfood joints, o sa mga karinderya, lalong iisa lang ang TV. So kahit medyo ayaw mo, panood ka na rin.

Mahusay ang Vice Ganda - ‘spontaneous’, ‘spur of the moment’ ang jokes, hindi pilit tumawa at magpatawa. Mapupuna mo  na ‘second nature’ na niya ang kanyang ‘comedy bar humor’.  At dahil dito, hindi ko na kailangang sabihin na halos lahat ng kasamahan niya sa ‘Showtime’ ay nahawa na sa kanya. Ngayon, dahil araw-araw naman nila ginagawa sa TV, aakalain mo na rin minsan  na nakakatawa pala talaga ang pang-iinsulto.  Na hindi ka pala ‘cool’ dahil hindi ka natatawa sa insultuhan nila.

Well, sa magkakabarkada, lalo na at nagkakatuwaan, okey lang naman minsan ang magbatuhan ng kaunting personal na biro. Ang totoo, nami-miss ko rin ang alaskahan namin ng mga dati kong barkada at ka-tropa ‘pag tumotoma kami. Pero ‘yon ay alaskahan. Palitan ng biro, kulitan, asaran, ng magkakaibigan, bawal mapikon. (Bawal din naman ang below the belt.)

Sa ‘comedy bar humor’ babatuhin ka lang ng insulto, hindi ka babato pabalik, tatawanan ka ng mga nasa paligid ninyo, at kahit masakit na ang ibinabato sa’yo, ngingiti ka pa rin ng walang kasing tamis (ala- Anne Curtis ‘pag inaasar ni Vice) para ‘cool’ ka.  

Eto na ngayon ang problema - Dahil araw-araw halos na napapanood at tinatawanan ang ‘comedy bar humor’ ng Vice Ganda and company, napick-up na ito ng maraming tao hindi lang ng kabataan.  Ang pagpapatawa sa pamamagitan ng pag-insulto sa iba ay naging  pangkaraniwan sa eskwela, sa mga opisina, sa maraming ‘workplaces’, sa mga tambayan, kahit sa sariling mga tahanan natin. Mas personal ang insulto, mas matindi ang tawanan. At sa maraming pagkakataon, humahantong ito sa ‘bullying’ lalo na sa mga estudyante sa hayskul.  

Hindi ko sinasabing ang Vice Ganda ang nag-imbento ng insulto. Pero palagay ko, kaya ‘second nature’ sa kanya ang insulto, ay dahil lumaki siya na iniinsulto. Maaring simula pagkabata, hanggang sa mag-aral, mag-dalaga, (o magbinata), nakakatanggap siguro siya ng masasakit na biro. Nasaktan siya, itinanim niya, at ngayon,  ang pang-iinsulto niya sa iba ay posibleng  paraan niya ng pagganti sa mundong uminsulto sa kanya noon.  

So, hindi naman pala nakakatawa ang ‘comedy bar humor’ o pang-iinsulto sa totong buhay?

Siguro punta ka sa comedy bar. Subukan mong mag-volunteer sa stage.

P’wede ring itanong mo kay Vice Ganda mismo.

Or better still, itanong mo kay Jessica Soho.



*****
May 30,2013    3:23AM
Edwin M. Quismundo



Thursday, April 25, 2013

KAKATWA-TAWA


Naranasan mo na bang madulas o madapa sa gitna ng maraming tao? Sa gitna ng isang kasayahan, sa party, o sa kahit anong pagtitipon? Ano ang unang reaksiyon ng mga tao sa paligid mo lalo na ‘yung nakakakilala sa’yo? Napa-“ooh” ba sila? Napa-“uupps”? Napangiwi? O, karamihan ay nagtawanan?

Maraming beses na akong natanong ng isang ‘foreigner’ kung bakit kapag may nadudulas o nadadapa, ang unang reaksiyon nating mga Pinoy ay ang - magtawanan.

Madalas kong maisagot, dahil wala akong maisip na sagot, ay, ugali lang talaga natin ang magtawa. Kahit ang mismong nadudulas na Pinoy, ‘pinapaliwanag  ko sa ‘foreigner’, ang unang reaksiyon ay tumawa habang napapangiwi sa sakit.

Pero sa totoo lang, wala pa ni isa, akong nakukumbinsi sa sagot kong‘yan. Umiiling  lang sila, naguguluhan.

Ako man ay naguguluhan.

Maraming bagay at mga nangyayari dito sa atin ang nakakatawa, hindi natin tinatawanan, pero sa nadudulas o nadadapa ay awtomatiko tayong natatawa. Mas plakda mas malakas ang tawanan.

Kakatwa ‘di ba?

Ano nga ba ang nakakatawa sa nadadapa at nadudulas? Hindi ko alam at hindi ko na planong alamin pa.

Para mas madali ang buhay ko, ‘dun na lang ako sa - “Nakakatawa pero hindi natin tinatawanan.” Okey lang sa’yo?

Okey, basa. Eto ang ilang  sampol: 

-  Tuwang-tuwa tayo sa mga artistang ‘bulol’ magsalita ng Tagalog. Sumisikat agad ang mga bulol dito sa atin, ‘di ba? 'Di ba, kakatwa?

-  Tawa tayo ng tawa ‘pag may pangit na iniinsulto. Kesyo mukhang kabayo, mukhang unggoy, mukhang butiki, mukhang ipis…  Marami ngayong sikat dahil sa husay nilang mang-insulto ng kapwa. Kakatwa rin ‘di ba?

- Kwelang-kwela dito sa atin ang mga artistang bading, at nagbabading-badingan. O, hende vah? Pero ‘pag “beking” pakalat-kalat lang sa tabi-tabi, inaalaska natin, iniinsulto. Kakatwa rin.

Babanggit din ako ng sa tingin ko ay ‘super’ nakakatawa’, parang matinding joke talaga, pero hindi naman natin tinatawanan. Basa pa...

- ‘Pag panahon ng eleksiyon, tuwang-tuwa tayo kapag nadidinig natin ang mga ‘minamanok’ nating kandidato na nambobola at nagsasalita ng kung anu-anong alam naman nating hindi totoo. Alam nating hindi nila matutupad ang mga ipinapangako sa atin pero gustong-gusto pa rin nating marinig ang mga iyon mula sa kanila. Palakpakan tayo, sigawan ng mabuhay. Ang marikit pa n’yan, sila rin ng sila at mga kapamilya nila, at ang mga tulad nila ang nananalo sa eleksiyon dito sa atin. 

Nakakatawa pero hindi tayo natatawa, ‘di ba? 

Alam din nating lahat ang kalokohan ng ilang malalaking pulitiko at mga kaanak nila. Tinanggal pa nga natin sila sa pwesto. Pero ilang panahon lang nakabalik na ulit sila sa dati nilang kinalalagyan na parang walang nangyari. Balik sa dating gawi. Tinitingala, iginagalang, halos sambahin ng mga mamamayan. 

Kakatwa pa rin ano?

Eto talaga, hindi ko masapol kung bakit hanggang ngayon benta pa rin - Tuwing dadating ang kampanyahan, pinapangako ng mga pulitiko na iaangat, pagagaanin, pagagandahin, pagiginhawahin ang buhay ng mga maralita at hikahos sa buhay dito sa ating bayan. Nakagisnan na ng marami sa atin ang ganyang istilo ng kampanya. Pero hanggang ngayon, 'yung mga mahihirap na pinapangakuan ng kaunlaran, lalo yatang nagsisihirap at nangaghihikahos sa buhay, at 'yung mga pulitikong nangako, ayun, mga nagsiyaman na at payaman pa ng payaman.    

Hindi lang 'yon. Ang mas kwela, 'yung mga mahihirap nating kababayan na laging dinedenggoy, sila pa rin ang boto ng boto at nagluluklok sa pwesto sa mga mandedenggoy na pulitikong 'yan!

Katawa-tawa … pero natatawa ba tayo?

Kakatwa ‘di ba? 



Edwin M. Quismundo  
April 26, 2013   
12:26 AM