Sabog na ako…
Day One ko pa sinimulang tutukan ‘tong “Napoles Scam” at talaga namang mas exciting
pa kesa sa pinapanood na tele-serye ng asawa ko. Kaabang-abang talaga kung ano
ang ‘susunod na kabanata’.
Pero naiisip ko lang, kung tutoong involved dito ang mga
‘lawmakers’ natin ( kunwari ngayon lang natin nalaman na ‘corrupt’ sila), ano
naman kaya ang motivation ng pinsan ni Janet Lim Napoles na si Benhur Luy para pasabugin
ang ganito kalaking eskandalo na pwedeng magpabagsak sa senado at kongreso, pwedeng
maging mitsa ng isa na namang Edsa, o magpasiklab
ng isang madugong rebolusyon? (Na matagal ng hinihintay ng marami kong kaibigan.)
Isa ba siyang mabuting Pilipino? Isang makabayan? Marxista? Komunista? O,
pakawala ng isang kung sino?
Alak pa! Este, isip pa.
Ano nga ba ang nagtulak sa kanya para isambulat ang mga nalalaman niya? Dinaya ba siya sa hatian? Gustong mag-sarile ng raket ? Pero bakit kailangan pang pasabugin ang ‘scam’ e pare-pareho sila ngayong mawawalan?
Baka naman kaya tutoo ‘yung sinabi ni Janet Napoles na hinihingan siya ng NBI ng suhol? P300M ba? ‘Di ba may sulat daw si Napoles kay Pnoy na hina-harass siya ng NBI nga? At nawawala raw ‘yung sulat na ‘yon? (Kilala rin daw ni Pnoy si Janet Napoles? Kung kilala, bakit sinulatan? Walang cell number ni Pnoy si Napoles? Email address kaya?)
What if, eto na ang trip, may sulat nga si Napoles kay Pnoy? At hinayaan lang ni Pnoy mangyari ang mga nangyayari ngayon para kusa ng ma-abolish ang ‘pork barrel’ through public clamor at hindi na kailangang magalit sa kanya ang mga kaibigan niyang mga senador at kongresman? Tao lang si Noynoy at s’yempre ayaw niyang magalit sa kanya ang mga kaibigan niya ‘di ba? That explains siguro kung bakit siya tahimik. (Matutuwa sa wishful-thinking-senaryong ‘to ang mga die-hard Pnoy. Posibilidad lang po ito.)
What if, ganito naman - Inoperate talaga ng ilang taga-NBI si Napoles… Humanap sila ng mahahawakang tao na nasa ‘inner circle’ ni Janet Napoles, kinaibigan, kinumbinsi, nilason ang isip, tinukso sa milyones, tinakot… para maipang-blackmail kay Napoles? Tumanggi si Napoles, at eto na, hindi na makontrol ng NBI ang mga pangyayari dahil na-involve na ang media at ang publiko?
Remember, matagal ng ginagawa ni Napoles ang mga deals niya with our lawmakers? Malaki ang posibilidad na may gustong makihati sa raket niya.
Posible, pero sabi ko nga, trip ko lang ‘to. Hindi pa totoo. Ine-exercise ko lang ang imagination ko.
Try n’yo rin.... ('Pag may time.) Ano sa palagay n’yo ang nangyari at mangyayari sa namputris na “Napoles Scam” na ‘to?
Basta, sana maniwala tayo na ‘catalyst’ ang pangyayaring ito. Na hindi na ito mapipigilan ng kahit sino o ng kahit na ano.
Itong “Napoles Scam” ay parang batong inihagis sa kalmadong dagat. Lumikha na ito ng maliliit na mga alon. Ipagdasal natin, na ang maliliit na mga along ito ay lumaki ng lumaki, maging dambuhalang ‘tsunami’ na raragasa sa sangkalupaan ng Pilipinas upang linisin ang nakapandidiring dumi na nakalambong sa ating bayan.
Samantala, abang tayo sa susunod na kabanata.
Trip-trip laang muna ....
*****
Edwin M. Quismundo
August 19, 2013
1:44 AM
No comments:
Post a Comment