Thursday, April 25, 2013

KAKATWA-TAWA


Naranasan mo na bang madulas o madapa sa gitna ng maraming tao? Sa gitna ng isang kasayahan, sa party, o sa kahit anong pagtitipon? Ano ang unang reaksiyon ng mga tao sa paligid mo lalo na ‘yung nakakakilala sa’yo? Napa-“ooh” ba sila? Napa-“uupps”? Napangiwi? O, karamihan ay nagtawanan?

Maraming beses na akong natanong ng isang ‘foreigner’ kung bakit kapag may nadudulas o nadadapa, ang unang reaksiyon nating mga Pinoy ay ang - magtawanan.

Madalas kong maisagot, dahil wala akong maisip na sagot, ay, ugali lang talaga natin ang magtawa. Kahit ang mismong nadudulas na Pinoy, ‘pinapaliwanag  ko sa ‘foreigner’, ang unang reaksiyon ay tumawa habang napapangiwi sa sakit.

Pero sa totoo lang, wala pa ni isa, akong nakukumbinsi sa sagot kong‘yan. Umiiling  lang sila, naguguluhan.

Ako man ay naguguluhan.

Maraming bagay at mga nangyayari dito sa atin ang nakakatawa, hindi natin tinatawanan, pero sa nadudulas o nadadapa ay awtomatiko tayong natatawa. Mas plakda mas malakas ang tawanan.

Kakatwa ‘di ba?

Ano nga ba ang nakakatawa sa nadadapa at nadudulas? Hindi ko alam at hindi ko na planong alamin pa.

Para mas madali ang buhay ko, ‘dun na lang ako sa - “Nakakatawa pero hindi natin tinatawanan.” Okey lang sa’yo?

Okey, basa. Eto ang ilang  sampol: 

-  Tuwang-tuwa tayo sa mga artistang ‘bulol’ magsalita ng Tagalog. Sumisikat agad ang mga bulol dito sa atin, ‘di ba? 'Di ba, kakatwa?

-  Tawa tayo ng tawa ‘pag may pangit na iniinsulto. Kesyo mukhang kabayo, mukhang unggoy, mukhang butiki, mukhang ipis…  Marami ngayong sikat dahil sa husay nilang mang-insulto ng kapwa. Kakatwa rin ‘di ba?

- Kwelang-kwela dito sa atin ang mga artistang bading, at nagbabading-badingan. O, hende vah? Pero ‘pag “beking” pakalat-kalat lang sa tabi-tabi, inaalaska natin, iniinsulto. Kakatwa rin.

Babanggit din ako ng sa tingin ko ay ‘super’ nakakatawa’, parang matinding joke talaga, pero hindi naman natin tinatawanan. Basa pa...

- ‘Pag panahon ng eleksiyon, tuwang-tuwa tayo kapag nadidinig natin ang mga ‘minamanok’ nating kandidato na nambobola at nagsasalita ng kung anu-anong alam naman nating hindi totoo. Alam nating hindi nila matutupad ang mga ipinapangako sa atin pero gustong-gusto pa rin nating marinig ang mga iyon mula sa kanila. Palakpakan tayo, sigawan ng mabuhay. Ang marikit pa n’yan, sila rin ng sila at mga kapamilya nila, at ang mga tulad nila ang nananalo sa eleksiyon dito sa atin. 

Nakakatawa pero hindi tayo natatawa, ‘di ba? 

Alam din nating lahat ang kalokohan ng ilang malalaking pulitiko at mga kaanak nila. Tinanggal pa nga natin sila sa pwesto. Pero ilang panahon lang nakabalik na ulit sila sa dati nilang kinalalagyan na parang walang nangyari. Balik sa dating gawi. Tinitingala, iginagalang, halos sambahin ng mga mamamayan. 

Kakatwa pa rin ano?

Eto talaga, hindi ko masapol kung bakit hanggang ngayon benta pa rin - Tuwing dadating ang kampanyahan, pinapangako ng mga pulitiko na iaangat, pagagaanin, pagagandahin, pagiginhawahin ang buhay ng mga maralita at hikahos sa buhay dito sa ating bayan. Nakagisnan na ng marami sa atin ang ganyang istilo ng kampanya. Pero hanggang ngayon, 'yung mga mahihirap na pinapangakuan ng kaunlaran, lalo yatang nagsisihirap at nangaghihikahos sa buhay, at 'yung mga pulitikong nangako, ayun, mga nagsiyaman na at payaman pa ng payaman.    

Hindi lang 'yon. Ang mas kwela, 'yung mga mahihirap nating kababayan na laging dinedenggoy, sila pa rin ang boto ng boto at nagluluklok sa pwesto sa mga mandedenggoy na pulitikong 'yan!

Katawa-tawa … pero natatawa ba tayo?

Kakatwa ‘di ba? 



Edwin M. Quismundo  
April 26, 2013   
12:26 AM





No comments:

Post a Comment