Kumbinsido ka ba sa mga sinasabi nila tungkol sa mga contestant?
Ako madalas hinde.
Kung wala ka ring magawang tulad ko, basahin mo kung bakit
hindi ako bilib du'n sa tatlong kumag na
judge.
Napanood ko si Chaeremon Basa nung semi-finals. Siya ‘yung
batang nag-flair tending. Sa kabila ng husay niya, ng lupet sa pag-juggle, ng
precision ng kanyang movements, ng intensity, ng entertainment value nu’ng performance niya, at sa
dami ng bumoto, inilaglag siya nung judges sa hindi ko maintindihang dahilan.
Dapat nasa finals siya dahil worth 2M naman ang act niya.
Napanood ko rin si Frankendal, ‘cyr wheel dancer ‘ daw. Ano
naman ang kasayaw-sayaw du’n sa paiko-ikot na dambuhalang sinsing? Wala naman
akong nakitang kabilib-bilib sa ginawa niya maliban sa hindi siya tinatablan ng
hilo. Pero pinuri-puri siya ng judges, halata namang sinulat lang ng kung
sinong writer 'yung sinasabi nung isa. At ayun nga, nasa finals siya, muntik
pang manalo.
Ang Zilent Overload naman, kung sa araw mo pinanood parang
pang-ordinaryong town festival lang. Palakad-lakad, konting talon, wagayway
nung malalaking pamaypay, at 'yun, finalist na? Kung may talent man du'n sa
ginawa nila, palagay ko eh 'yung mga gumawa ng costumes. Para silang mga
gumagalaw na neon lights 'di ba?
'Yun dalawang driver, wala akong clue kung bakit nasa PGT.
Okey, magaling silang mag-drive at mag-park siguro ng kotse, pero nasa'n 'yung
entertainment du'n? Mapapaisip ka tuloy na baka may kung sino'ng malaking tao sa ABS-CBN
ang syota nu'ng dalawa. Medyo guwapo lang, finalist na?
'Yung MP3 band, well, marunong tumugtog at kumanta pero ordinaryo lang
sila sa isang marunong makinig. Sa tutoo lang, hindi ko maintindihan ang sinasabi nung bokalista nila. Sana ibinigay na lang 'yung slot nila sa mas
matinding mag-perform tulad nga ni Chaeremon Basa.
Ang wala akong reklamo kung sila ang nanalo ay ang
D'Intensity Breakers. Malupit ang performance nila. Precise din ang movements. Ang
taas tumalon. Matindi ang intensity. Fixating panoorin. Malakas ang
entertainment value. Pero ayun talo. Anlabo.
And the winner is!
Napanood ko na siya sa youtube kaya natuwa ako nu'ng makita ko siya sa auditions ng PGT. Okey
naman ang pagkanta niya. Pero may nahalata agad ako. Iba ang takbo ng queries
nung judges especially Ms Kris. Parang
may binubuong istorya na usually ay para makakuha ng simpatiya ng viewers. May sad story agad-agad. (Na paboritong gamitin ng mga tume-table sa mga beerhouse.)
No doubt, may boses si Noel Manlangit, may lung
power. Pero kung ang babasehan ay ‘yung performance niya nung finals night,
medyo magkakaro’n ka ng duda kung siya dapat ang nanalo.
Obviously, na-coach siya para sa finals night dahil parang
hindi spontaneous ang pagkanta niya. Bukod
do’n ‘yung piyesa niya ay parang isang mahabang intro ng kanta. Parang first
movement ng isang sonata. Hihintayin mo ‘yung second movement pagkatapos ng
huling mataas na notang ibinunghaliti niya.
E ‘di hinintay ko nga ang kasunod.
Biglang nagpalakpakan, tapos nagsalita na ‘yung dalawang host. Tapos na pala
‘yung kanta! Ang narinig ko lang ay batang tumitili at nagsisigaw ng kung
anu-anong hindi ko maintindihan dahil sigaw nga ang ginagawa niya. Walang kilabot, walang tumayong balahibo, walang nasundot na 'feeling'.
Palagay ko ‘yun ang itinuro ng coach. Ibigay ng husto ang
buong lung power para magulat ang audience.
Pero sa isang marunong ngang makinig ng music, that performance was anything
but worth the top prize. Bagsak siya sa
clarity, madumi ang delivery ng pyesa, ang dynamics ay nakalimutan. The notes
were there but the sweet highs and lows were terribly missing. Para siyang jet na pa-take
off na hindi naman nag-take-off. Parang
motorsiklong nirebolusyon ng nirebolusyon tapos ay biglang pinatay.
Biten. Nganga.
Pero siya, si Roel Manlangit ang nanalo. Wala na, tapos na. Talo.
Sana lang, kung walang balak palitan ang mga judge, mag-aral
naman sila sa marunong mag-judge para hindi naman nakakainsulto ‘yung mga sinasabi nila.
‘Yung lalaki, nagha-hang muna bago mag-salita. Antagal
mag-iisip tapos 'pag nagsalita, “amazing” lang pala sasabihin. Hindi man lang
magpaliwanag kung ano ‘yung nakita at narinig niya sa performance.
‘Yung isa, pinakamatindi ng linya ‘yung- “Binuhay mo ang
katawang lupa ko.” Wala ring masabi kung ano ang meron o wala du’n sa nakita at
narinig.
At ‘yung pangatlong judge, halatang wala ring alam sa
ginagawa niya kundi hanapin kung ano ang kabenta-benta sa taong nasa harapan
niya.
Wala sa kanilang tatlo ang objective na judge. Meaning, kaya
sila subjective ay dahil naghahanap lang sila ng ‘talent’ na pwede nilang
i-manage.
“Talent” na ipa-package para ibenta.
Talo...
*****
3:01 AM
April 03, 201
Edwin M. Quismundo
No comments:
Post a Comment