Wednesday, August 14, 2013

Bukas Na Liham Ng Isang Tambay Kay Archbishop Tagle



Mahal na Arsobispo Luis Antonio Cardinal Tagle,

Kapuri-puri po ang ginawa ninyong mistulang pagkastigo sa ating mga mambabatas. Nakakatuwa din po na sumali na kayo sa panawagang imbestigahan ang “Pork Barrel Scam”.

Ilang punto lamang po: Hindi na po marahil kailangang himukin ang ating mga mambabatas na tignan at alamin ang kalagayan ng ating mga mamamayang mahihirap. Alam na alam po ng lahat ng ating mga pulitiko kung paano nabubuhay ang ating mga kababayang ‘informal settlers’, mga pamilyang sa kariton at sa bangketa nakatira, mga nasa ilalim ng tulay, at kung saan-saan pong lungga na para-parang mga ipis at daga.  

 Tuwing panahon po ng halalan, ginagalugad ng ating mga pulitiko ang mga pook na ito upang makamayan o makawayan at bigyan ng kung anu-anong  mga panlaman sa tiyan ang ating mga ‘mahihirap’. Kaya alam po nila ang ‘sub-human  living condition’ ng ating mga ‘mahihirap’ at ito ang kanilang ine-exploit tuwing panahon ng eleksiyon.

“The poor are absent in their minds and in their hearts.” , sabi  po ninyo. Palagay ko lang po, hindi nawawala sa isip at sa puso ng mga pulitiko ang mahihirap nating kababayan dahil ang pokus po nila ay nakatuon lamang lagi sa susunod na eleksiyon. At alam po nating lahat na ang kadluan ng boto ng ating mga pulitiko ay ang madlang mahihirap na dahil sa kanilang ‘kawalan’, ayaw ko man pong sabihin, ay napakadaling linlangin at manipulahin . Alaga pong limusan ng malalaking pulitiko ang mga mahihirap ng ilang kilong bigas na halos hindi makain, sardinas at instant noodles na kung hindi ‘expired’ ay halos expired na, upang sa susunod na halalan ay hindi makalimutan ang kanilang mga pangalan.

Bukambibig din po ng lahat ng ating mga pulitiko ang kapakanan ng ‘masa’, ng mga ‘mahihirap’.  At tuwing eleksiyon po, hindi naman siguro lingid sa inyo,  pinapangakuan ng  lahat ng kumakandidato ang masang mahihirap na sila’y iaangat at hahanguin sa kahirapan. Ang pangako pong iyan ay hindi kailanman tutuparin ng sinumang  pulitiko sa kasalukuyang sistema dahil sila rin ang mawawalan ng balong kadluan ng boto kapag nagsi-unlad ang kanilang mga botante.  

Dito po kayo kailangan, mahal na Arsobispo. Nasa posisyon po kayo para imulat ang ating mamamayang pinaglalalangan ng mga pulitiko. Ipaalam mo po na hindi totoong  nagmamalasakit ang mga pulitiko sa kalagayan ng mga dukha’t mahihirap. Na wala pong hangad ang mga pulitiko kundi ang kanilang boto.

Ipamukha naman po ninyo sa mga pulitiko ang kanilang kasamaan at kasakiman. Kayo at ang simbahan,  higit kaninuman ang may karapatan at tungkuling imulat ang lahat sa mistulang pagtatagumpay  ng  kabaluktutan - ng diyablo,  sa ating bayan.

At bilang pagtatapos po, huwag naman po sanang ikakagalit -  Dahil malaki po ang kinalaman at responsibilidad ng simbahan sa usaping moral at pangkaluluwa,  ang mga sinabi po ninyo sa inyong ‘presscon’ ay nagkulay hugas-kamay sa namamayaning kabulukan sa ating lipunan, lalo’t higit ang kawalan ng konsensiya ng ating mga itinuturing na lider at lingkod-bayan. Tingin ko lang naman po, alam ko pong hindi ito ang inyong intensiyon. 

Gabayan po nawa ninyo ang bayan, mahal na Arsobispo.  

Humahalik ng kamay,
Edwin Quismundo
 ****       


No comments:

Post a Comment