Monday, August 27, 2012

SI JESSE ROBREDO ISANG AVATAR?


SI JESSE ROBREDO, ISANG AVATAR?
       
         Nu’ng una kong marinig sa radyo na bumagsak ang isang eroplanong sakay si Sec. Jesse Robredo, ang una kong reaksyon ay -“Eto na naman… bakit ba kung sino pa ang matino ay siya pa ang pinapatay?” 

         At nagsalimbayan sa isip ko ang pangalan at mukha ng mga kilala kong taong namatay ng wala sa panahon. Madalas ay bayolente at madugo pa nga ang naging kamatayan nila.

         Siguro, gano’n din ang naging reaksyon mo ‘di ba?  Gulat na may halong pagtataka, hinayang, tanong…  Bakit nga ba gano’n? Mabuting tao, tumutulong sa kapwa, maganda ang layunin, pero ayun…  patay na!
  
         Sa kasaysayan, alam natin lahat ang nangyari kay Hesukristo. Kung paano siya nabuhay at ang malupit niyang dinanas sa kamay ng mga tao. Dito sa atin ay may Jose Rizal. Halos lahat ng makakabasa nito ay alam ang naging buhay at kamatayan  niya kahit pahapyaw lang. Andiyan din si Ninoy Aquino. Kayhusay na tao ay piñatay lang .

          Alam kong mas marami kayong kilala na pwedeng banggitin dito. Pero ang  ‘nagsalimbayan’ sa guni-guni ko ay mga taong malakas ang naging ‘impact’. May malaking pagbabagong idinulot ang kamatayan nila sa damdamin, kaisipan, at kamalayan ng maraming tao. Sila ay mistulang mga ‘sugo’. Mula sa kung saan ay bumaba o ipinadala dito sa pisikal na mundo para magpakita ng ehemplo, magbigay ng aral, maghasik ng kaliwanagan, o simpleng magmulat ng mga isipan.

          Mistulang ‘yan ang nangyayari ngayon. Dahil nga marahil sa wala sa panahon o marahil ay tamang panahong kamatayan ni Sec. Jesse Robredo, marami sa atin;  pulitiko, mayaman at makapangyarihang tao, sikat man o simple at ordinaryong mamamayan, ay para bang hinahaplos ng kung anong makapangyarihang damdamin. Namamangha tayo sa kasimplehan ng buhay , katapatan sa pakikipag-kapwa, dedikasyon sa tungkulin, sa kabutihan ng puso, sa katauhan…  sa kadakilaan…  ng isang Jesse Robredo.  Hindi maubos-ubos ang magagandang salitang ipinupuri natin sa kanya. Hindi tayo halos makapaniwala na siya ay totoo!

          Ganito rin kaya kung humaba pa ang buhay niya? Malamang na hindi. Maaring pagkatapos ng termino niya ay mag-retiro na siya at maglaho na sa mata ng publiko. Hindi na malalaman ng sambayan  ang buhay at ang magagandang bagay na ginawa niya.

          Para bang ngayon na talaga ang tamang panahon para siya, kumbaga, ay mamatay na. Sabi nga ng isa niyang anak, ito na raw ang “perfect ending” ni Sec.Robredo.  Nagulat ako nu’ng marinig ko ‘yun sa bibig mismo ng isa niyang anak. 

          Pero tutoo ang sinabi niya. Dahil sa ‘perfect ending’  na ito, meron na tayong ehemplo ng isang simple, tapat at tunay na lingkod-bayan. Nagkaroon tayo ng pamantayan ng mataas na uri ng serbisyo publiko sa katauhan ng isang Jesse Robredo. Nagising ang mamamayang Pilipino sa katotohanang posible pala ang isang public servant na tulad ni Jesse Robredo.

          Ano’ng malay natin baka ang pangyayaring ito ay maging isang susi tungo sa pagbabago ng marami sa ating mga pulitiko, ‘di ba?

          Mabalik tayo sa ‘sugo’. Tutoo nga kaya? Na may mga sugo? Sa paniniwalang Hindu, ang tawag sa kanila ay ‘AVATAR’. Mga kaluluwa, o espirito na nag-aanyong pisikal upang, maging huwaran, o pumigil daw sa isang masamang pangyayari.  Naniniwala ka ba sa gano’n?

         Ako, dahil ako ay romantiko, mahiligin at tagataguyod ng magagandang bagay, nagbubunyi sa mabubuting mga pangyayari, natutuwa akong isipin at tawagin na si Jesse Robredo ay isang ‘sugo’… galing sa malayong kawalan… isang espiritong nag-anyong tao... isang AVATAR.        

4 comments:

  1. Very nicely done :)Yeheey! Blogger ka na talaga!

    ReplyDelete
  2. This comment has been removed by the author.

    ReplyDelete
  3. This comment has been removed by the author.

    ReplyDelete
  4. Dinelete ko ang comment ko above nung napansin kong iba na pala ang description. Honestly, mas gusto ko ang description kahapon pero siyempre ikaw ang masusunod. Pero gustong-gusto ko ang title :)

    ReplyDelete