Una kong napanood ang Vice Ganda sa programang ‘Singing Bee’
ilang taon na ang nakakaraan. Magaling siya ha? Tanda ko walang makatalo sa
kanya kahit sino. Hindi ko alam noon na sikat na siya sa ‘comedy bar circuit’.
Ang una ko namang engkwentro sa ‘comedy bar humor’ ay ‘courtesy’
ng isang ‘lady’ karaoke singer (beki) na naging ka-alternate ko sa isang bar na
kinalimutan ko na kung saan. Nag-iimbita
siya ng isang medyo senglot na game na costumer sa stage, pakakantahin niya ng
ilang linya, pagkatapos buong kawagasan na niya itong iinsultuhin hanggang
hindi na nito makayanan ang sakit at tawanan ng ‘audience’, bababa na siya ng
stage na kunwari ay okey lang pero asar na asar sa tutoo lang.
Ganito ang sistema sa mga comedy bar – insultuhan. At ito
ang mundong ginalawan at patuloy na ginagalawan ng Vice Ganda.
Okey, so nag-mutate na ang insulto at naging ‘humor’ na pala.
Walang problema dahil may ‘choice’ ka naman . Kung ayaw mo ng nakakatawang insulto,
hindi ka pupunta sa comedy bar.
Ang problema, sumikat ang isang Vice Ganda. Dahil bagong
mukha, bagong putahe, may ‘catch’ at may ‘recall’ ang pangalan, at may ibubuga
naman talaga, kinagat lalo na ng kabataan ang kanyang komedi. Naging household
name, naging isang espesyal na putahe sa tanghalian ng milyon-milyong Pilipino
si Vice Ganda. At dala-dala niya siyempre ang kanyang pamatay na sandata – ang ‘comedy
bar humor’.
Lumiit na ang ‘choice’ ngayon. Bakit? Dahil karamihan
sa mga tahanang Pinoy, iisa lang, hindi lima, hindi apat, hindi tatlo, hindi
dalawa, ang TV set sa bahay. ‘Pag nagtatawanan na ang karamihan ng kasama mo sa
bahay, nakikitawa ka na rin. Sa mga ‘canteen’ naman ng ng opisina, sa mga
restaurant, fastfood joints, o sa mga karinderya, lalong iisa lang ang TV. So
kahit medyo ayaw mo, panood ka na rin.
Mahusay ang Vice Ganda - ‘spontaneous’, ‘spur of the moment’
ang jokes, hindi pilit tumawa at magpatawa. Mapupuna mo na ‘second nature’ na niya ang kanyang ‘comedy
bar humor’. At dahil dito, hindi ko na
kailangang sabihin na halos lahat ng kasamahan niya sa ‘Showtime’ ay nahawa na
sa kanya. Ngayon, dahil araw-araw naman nila ginagawa sa TV, aakalain mo na rin
minsan na nakakatawa pala talaga ang
pang-iinsulto. Na hindi ka pala ‘cool’
dahil hindi ka natatawa sa insultuhan nila.
Well, sa magkakabarkada, lalo na at nagkakatuwaan, okey lang
naman minsan ang magbatuhan ng kaunting personal na biro. Ang totoo, nami-miss
ko rin ang alaskahan namin ng mga dati kong barkada at ka-tropa ‘pag tumotoma
kami. Pero ‘yon ay alaskahan. Palitan ng biro, kulitan, asaran, ng
magkakaibigan, bawal mapikon. (Bawal din naman ang below the belt.)
Sa ‘comedy bar humor’ babatuhin ka lang ng insulto, hindi ka
babato pabalik, tatawanan ka ng mga nasa paligid ninyo, at kahit masakit na ang
ibinabato sa’yo, ngingiti ka pa rin ng walang kasing tamis (ala- Anne Curtis ‘pag
inaasar ni Vice) para ‘cool’ ka.
Eto na ngayon ang problema - Dahil araw-araw halos na
napapanood at tinatawanan ang ‘comedy bar humor’ ng Vice Ganda and company, napick-up
na ito ng maraming tao hindi lang ng kabataan.
Ang pagpapatawa sa pamamagitan ng pag-insulto sa iba ay naging pangkaraniwan sa eskwela, sa mga opisina, sa
maraming ‘workplaces’, sa mga tambayan, kahit sa sariling mga tahanan natin.
Mas personal ang insulto, mas matindi ang tawanan. At sa maraming pagkakataon,
humahantong ito sa ‘bullying’ lalo na sa mga estudyante sa hayskul.
Hindi ko sinasabing ang Vice Ganda ang nag-imbento ng insulto.
Pero palagay ko, kaya ‘second nature’ sa kanya ang insulto, ay dahil lumaki siya
na iniinsulto. Maaring simula pagkabata, hanggang sa mag-aral, mag-dalaga, (o
magbinata), nakakatanggap siguro siya ng masasakit na biro. Nasaktan siya,
itinanim niya, at ngayon, ang
pang-iinsulto niya sa iba ay posibleng paraan
niya ng pagganti sa mundong uminsulto sa kanya noon.
So, hindi naman pala nakakatawa ang ‘comedy bar humor’ o
pang-iinsulto sa totong buhay?
Siguro punta ka sa comedy bar. Subukan mong mag-volunteer sa
stage.
P’wede ring itanong mo kay Vice Ganda mismo.
Or better still, itanong mo kay Jessica Soho.
*****
May 30,2013 3:23AM
Edwin M. Quismundo