Aalis daw sila Sabado ng umaga, babalik Linggo ng
hapon.
“Yes!”. Napasuntok ako sa hangin, pagtalikod ng mga
anak ko. Sabay sayaw ng isang alanganing cha-cha.
Bakit ako excited? Dahil maiiwan kaming dalawang
mag-asawa sa bahay. Kaming dalawa lamang. Bihira ng mangyari iyon!
At eto na. Dumating na sa wakas ang nakakainip na
“Saturday Night Live.” (‘Yun ang tawag ko sa mga gabing nasosolo ko ang aking asawa.)
Ang eksena:
Nasa harap kami ng TV, sa sofa, nakaupo ako, binabasa
kunwari ang salin sa Tagalog ng "God of Small Things" ni Arundhati Roy,
nakahiga si Tess, misis ko, nakaunan sa aking hita, nanonood ng X Factor
Philippines.
Matagal na kaming mag-asawa pero kinasasabikan ko pa
rin ang ganitong mga tagpo - naka-manipis na pantulog si Tess, nakaunan sa aking
hita, na sa tuwing kikilos siya ay naghehelow-helow ang mabibilog at mapuputi niyang
hita.
Nasa aking kaliwa ang kunwari ay binabasa ko, nakapatong
naman ang aking kanan sa bewang ni Tess, medyo napapahimas-himas at napapapisil-pisil
na. Nagsisimula na ring humabi ng kung anu-anong matatamis na kapilyuhan ang
mayaman kong imahinasyon.
Unti-unti ng nagbabago ang kulay ng paligid.
Dahan-dahan ko ng naririnig ang malamyos na ‘Close To You’ ni Karen Carpenter.
Lalakas… hihina… lalakas… hihina… lalakas…
Napapikit ako ……… ng mariin ……………………..
……………………………………………………………………. At
“Napaka-swerte n’yang si Charice!” nagulantang ako sa
biglang pagbalikwas at pagsasalita ni Tess.
Biglang pumutok na parang bula ang nakakakiliting
tagpo. Sa isip ko.
“Biro mo kabata-bata pa nakapagpatayo na ng magandang
bahay. At kumpleto agad sa mga mamahaling gamit!” dugtong pa n’ya, sabay higa
at unan ulit sa hita ko.
“S’werte nga.” halos pabulong kong sabi na napapalunok.
“Ang galing naman talaga kasi n’yang si Charice.
Milyonarya na ‘yan.” sabi ulit ni Tess.
“Oo nga.” patango-tango kong ayon na nakangising nakaismid
na hindi ko maintindihan.
“Ang sarap siguro ng buhay ng nanay n’yang si Charice.
Hindi na pinoproblema ang pera ano?” tuloy-tuloy
sa pagsasalita si Tess sabay kamot ng likod niya malapit sa bewang.
“Kamutin mo nga.” sabi sa’kin.
“Batang-bata nabiyayaan na agad ng malaking s’werte.”
wala sa loob kong nasabi habang malambing na kinakamutan si Tess. ”Samantalang
si Eva…”
“Sino namang Eva?” patakang tanong ng asawa ko sabay
pihit ng mukha para simangutan ako.
“Si Eva, sino pa bang Eva?” sagot kong nagtataka rin
kung bakit nabanggit ko si Eva.
“Si Eva, ang babeng walang pahinga!” sabi ko ulit. “”Yung
suki mo sa mais!”
“Tignan mo,” medyo sumeryoso ang tono ng boses ko,
“si Eva, alas-kwatro pa lang ng umaga nasa kalye na para magtinda ng suman at ng
kung anu-anong kakanin. Mag-aalas otso maririnig mo, isda na ang isinisigaw.
Mga alas-dos ng hapon, kung anu-anong meryenda naman ang inilalako. Bago
mag-alas singko, tinapa, daing, talong naman ang ipinag-aalukan. Tumanda na
siya ng gano’n pero wala’t-wala rin. Kasipag na tao e mamamatay na yatang
gano’n.”
Napatigil na ako sa pagkamot sa likod at sa paghimas sa bewang ni Tess.
“Samantalang ‘yang si Charice mo,” tuloy-tuloy ako sa
pagsasalita. “kapag ibinuka ang bibig para bumirit ng kanta, sandamakmak na
agad ang iuuwing pera! Bukod du’n, enjoy na enjoy pa siya sa ginagawa niya, ‘di
ba? Hindi na niya kailangang magbanat ng buto o magpatulo ng pawis, o kaya’y itaya
ang puri at buhay para kumita.Talento lang ang puhunan. Talentong biyaya sa kanya.”
“E di sabihin mo kay Eva kumanta na rin para kumita
siya ng malaki!” sagot ni Tess na parang naiinis.
“Ibig kong sabihin,” sabi ko uli, “sana, ‘yung mga
taong tulad ni Eva, ‘yung mga nagbabanat ng buto, ‘yung mga gumagawa ng
trabahong ayaw gawin ng iba, dapat naman sana sulit sa pagod ang kinikita nila.” Napatayo ako habang nagsasalita.
“Hindi ba’t ang karamihan dito sa atin e kayod-kabayo, trabahong-kalabaw
, pero ang iuuwing pera kasya lang pambili ng bigas at ulam? Wala man lang maitabi
para sa kaunting luho sa buhay, ‘di ba?” medyo mabagal at madiin na ang aking
pagsasalita.
“Dati isang kahig, isang tuka” gano’n pa rin ang tono
ko, “ngayon marami sa ating mga kababayan, siyam na kahig, isang tuka!” napasulyap
ako kay Tess na noo’y parang nawalan ng imik.
“Samantalang ‘yung iba,”tuloy-tuloy ako at pakumpas-kumpas habang nagsasalita, ” pakanta-kanta
lang, paarte-arte, pacute-pacute, ‘yung iba patalu-talumpati, pabola-bola, ‘yung
iba naman pakotong-kotong, patongpats-tongpats, ayun ang sasarap ng buhay! Lahat
ng magustuhan kayang bilhin! Parang merong hindi tama, ‘di ba?”
“At isa pa,” dahil tahimik pa rin si Tess, sige ako sa
aking sinasabi, “ang isang araw na sweldo, halimbawa, ng isang namamasukan, napakaliit kung ikukumpara sa perang pumapasok sa may-ari nu’ng pinapasukan niya. Kung baga sa bigas, ang sa namamasukan, isang butil isang araw, pero
ang sa may-ari, isang sako! Lugi pa raw ang may-ari nu’n!” medyo lumakas ang boses ko.
(May binanggit pa ako tungkol sa mga bagay at sitwasyon
dito sa atin na hindi pinapansin ng marami pero nagiging dahilan ng ‘di pagkakaunawaan
at gulo, na ewan kung pinakinggan ni Tess na noo’y hindi na kumikibo, halatang
asar.)
“Kaya hindi mo rin masisi ‘yung mga sumisigaw sa
kalsada eh.” pumasok sa isip ko ang isang kaibigang ‘Marxista’.
“Hindi na kasi makatiis sa ganyang sistemang pabulok ng
pabulok.” naidugtong ko pa habang akmang uupo na ulit sa sofa.”Payaman ng
payaman ang ilan, pahirap ng pahirap ang karamihan!” dugtong kong napapailing.
“Huuu! Si Charice ang pinag-uusapan, dinala-dala mo kay
Eva, ngayon bulok na sistema na?” asar na natatawang sabi ng asawa ko sabay
tayo at talikod sa akin.
“Magsama kayo n‘yang Eva at bulok na sistema mo!”
pahabol pa niya habang lumalakad paakyat sa kwarto namin. “Dito na nga
makapanood.”
Napanganga ako
ng marinig ang padabog na pagsara niya ng pinto.
“Pa’no nga ba napunta du’n ang usapan? Sarap na ng eksena kanina e.” sisi ko sa sarili.
Susundan ko sana si Tess sa kwarto. Pero ayaw ng maalis
sa isip ko ang aking kaibigan. Nawalan na ako ng gana.
Napaupo ako sa sofa. Binalikan ko na lang ang kunwari’y
binabasa ko.
Sinimulan kong totohanang basahin pero wala akong maintindihan.
Kung anu-ano ang nagsasalimbayan sa isip ko.
Humiga ako. Pinalipat-lipat ang TV. Walang kwenta lahat
ng palabas.
Maghahatinggabi na. Tahimik na tahimik.
Tumayo ako.
Kumuha ng gitara .
“Baka maka-tsamba ng kanta.” sabi ko sa sarili…
******
edwin m.
quismundo
09242012